516

Oct 26, 2021 @ 17:21
By

Rep. Yap pumalag sa paratang ni Pacquiao

Ginagamit umano si Senator Manny Pacquiao para siraan si ACT-CIS party-list Rep. Eric Yap.

Ayon kay Yap, ang pahayag ni Pacquiao sa media sa kanyang pagbisita ngayong Martes sa Benguet ay katulad ng mga alegasyong binibitiwan ng kanyang mga kalaban sa politika.

“I will not comment on his ability to discern the truth from lies, but I take offense on his statements which are clearly made for political gains. Please do not use me as one of your publicity stunts,” sabi ni Yap.

Ayon kay Pacquiao, binigyan siya ng mga dokumento ng mga lokal na opisyal at pirmado ng maraming tao kaugnay ng iregularidad umano sa P9 bilyong slope protection rock project sa Benguet na iniuugnay kay Yap.

Sinabi ni Pacquiao na iimbestigahan niya ang mga paratang na ito bilang chairman ng Senate Committee on Public Works.

Batay sa mga pahayag ni Pacquiao, sinabi ni Yap na malinaw na nakinig ang senador sa mga bulong sa kanya.

“His narrative was consistent with those of my political opponents in the province, obviously, it was fed to him when he was here earlier and was carelessly used in his media interview,” sabi ni Yap.

Si Yap ay tatakbo sa pagkakongresista ng Benguet sa 2022 elections. Siya ay ginawang caretaker ng Benguet ng Kamara de Representantes matapos na mamatay si Rep. Nestor Fongwan Sr.

Ayon pa kay Pacquiao, pinalabas umano na tapos na ang P9 bilyong proyekto kahit na nasa 25% pa lamang ito.

Sagot naman ni Yap: “What is unfathomable here is the fact that he has a conclusion in mind already. May bumulong siguro na ‘Si Congressman Yap po ang may kasalanan dyan’ and he stuck with that. Sabi nya meron daw 9B worth of projects na sinabing fully implemented na at ang alam nya, 25% completed pa lang? Is that a question I should answer? Ako ba ang nagsabi na fully completed ang projects? Shouldn’t it be the responsibility of the implementing agency?”

Hinamon ni Yap si Pacquiao na maghinay-hinay sa kanyang mga pahayag at huwag umanong magpagamit sa mga taong mayroong personal na interes.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?