128

Oct 11, 2021 @ 21:02
By

Rep. Aragones ‘di sinanto ng fake news

Ikinalungkot ni Laguna 3rd District Rep. Sol Aragones ang kumakalat na fake news sa social media na nagsasabing patay na umano siya.

Ayon sa kongresista, nakasaad sa fake news na namatay umano siya matapos turukan sa isang pagamutan.

Kaya naman agad na naglabas ng video message si Aragones para pasinungalingan ang fake news.

“Nakakalungkot po na may mga ganitong balita na kumakalat, isang fake news para sirain, ang sabi ng iba, takutin, paatrasin ang isang Sol Aragones sa kanyang naising maglingkod,” ani Aragones.

“Kung sino ang nagpakalat nito at nais ninyong pahinain ang loob ko, isa lang po ang mensahe ko sa inyo: Hindi ako natatakot, hindi ako aatras, ilalaban ko ang aking pangarap sa ating mga kababayan hanggang dulo ng laban,” dugtong pa niya.

Si Aragones ay tatakbong gobernador ng Laguna kung saan sasagupain niya ang reelectionist na si Gov. Ramil Hernandez.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?