34

May 21, 2020 @ 10:29
By

Remulla: Mag-asawa payagang iangkas sa motorsiklo

Nanawagan si Cavite Governor Jonvic Remulla na pahintulutan ng Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Disease ang mga mag-asawa na umangkas sa motorsiklo sa kanilang lalawigan.

Sa liham ni Remulla para kay Health Secretary Francisco Duque III, sinabi nito na lagi namang mag-asawa kaya’t ayos lang na sila’y payagan na mag-angkas sa motorsiklo dahil na rin sa kakulangan pa rin ng public transportation sa Cavite sa general community quarantine.

“Ang nais ko po sanang idulog ay mapayagan ang back-riding sa kaso ng mga mag-asawa at nagsasama. Sila po ay natutulog sa iisang kama, kumakain sa iisang mesa, naghahati sa iisang mangkok ng kanin at nagpapasa ng ulam nang naka-kamay. Ganito po ang buhay dito at sa buong bansa,” saad ni Remulla.

Para masunod ito, maari naman umanong mag-isyu ang local government ng Cavite ng ‘couples pass’ para sa mga mag-asawa at nagsasama para mapatunayan ang kanilang relasyon.

Bukod pa dito, posible rin ang pagpapakita ng marriage contract ng couple bago makalusot sa control point.

“Ito ang pangunahing paraan ng transportasyon sa aming lugar kung saan karamihan ay middle class. Araw-araw makikita mo silang paliko-liko sa kalsada, rumaragasa upang makarating sa mga pabrika at iba pang mga lugar na kanilang pinagtratrabahuhan,” aniya pa.

Ayon kay Remulla, nasa 400,000 ang motorsiklo sa kanilang lugar, na kapag papahintulutan ang pag-angkas ay makakagaan sa transportasyon sa lalawigan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?