195

Oct 26, 2020 @ 10:45
By

Remulla kay Parlade: Ok ka lang?

Dapat mahiya sa kanyang sarili si AFP Southern Luzon Command chief Lt. Gen. Antonio Parlade, ayon kay Cavite Governor Jonvic Remulla.

Sa kanyang Facebook post, sinabi ng gobernador na nababahala siya sa “red-tagging operations” na aniya’y ginagawa ng ilang sangay ng Sandatahang Lakas ng bansa.

Tinutukoy ni Remulla ang “pananakot” at “pangre-red-tag” ni Parlade, na siya ring tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), kina Angel Locsin, Liza Soberano, at Catriona Gray.

Dinamay rin aniya ng heneral si Manila Mayor Isko Moreno, na kamakailan lang ay pinatanggal ang mga tarpaulin at banner sa nasasakupan niyang lungsod na dinedeklarang “persona non grata” ang Communist Party of the Philippines (CPP), New People’s Army (NPA), at National Democratic Front (NDF).

Pinunto rin ni Remulla ang ginawa ng isang NTF-ELCAC speaker na pagbansag sa ilang grupo at aktibista bilang “communist terrorists” sa isang webinar na parte ng National Service Training Program (NSTP) orientation ng Cavite State University – Main Campus. Higit 1,000 freshman students aniya ang lumahok doon.

“Threatening progressive and outspoken WOMEN who want to encourage a stronger feminist culture? That does NOT make them co-conspirators nor allies of the left wing,” ani Remulla, Oktubre 26.

“Kahit si Yorme na nagtanggal lamang ng mga posters ay tinagurian agad na sympathizer.”

“Ok ka lang, Parlade? Your train of thought and reasoning are preposterous and shifty. If you want to threaten the lives of public personalities, may I suggest that you try knocking out someone on the same weight class?,” dagdag niya.

Nilinaw naman ng gobernador na siya ay hindi believer ni sympathizer ng komunismo.

Naniniwala rin siyang ang epektibong pantapat sa pag-aalsa ay hindi mga slogan, red-tagging at pagbabanta kundi mabuting pamamahala at katapatang maglingkod ng mga politiko sa taumbayan.

https://www.facebook.com/JonvicRemullaJr/photos/a.263478127095847/3217706091673021/?type=3&__xts__%5B0%5D=68.ARBqkqVUHVDNC1FMfnYfg1zZUS9Gqq4D2ARNYpOhFDPiY089hjEFu-N46R0MZqyPlk2Xx58N6mM5i1uLjgluvvs7DY1Qajbs1sVFeC1zWzkamo-isCM5lXCyGbv8rfketRe4QlEvIAO6LUk-4Ba_TJKMj3eejuWVRSma4MypDE_VVWOcFzuIUd42QlgzEfCBB_PyBG8-oeqDgEwCFC7qaqp9GtZzmuchHTIP4Po51xmhMrH3t0S1ycmrqmQu12LxA9Xq567gim1xlktNlipQ-DPO64R2xvq0jS8YdzXbppZQ9hO9BqPWFxMpVpjYWXSaRZU-iOUvZXW28oF0jYq91xLV-g&__tn__=-R

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?