271

Apr 23, 2021 @ 12:35
By

Remulla kay Moreno: ‘Di ka pa nga pangulo, ang yabang mo na

Pumalag si Cavite Gov. Jonvic Remulla sa pambabatikos ni Manila Mayor Isko Moreno kay Naic Mayor Jun Dualan sa usapin ng pamamahagi ng ECQ ayuda.

Kinastigo umano ni Moreno si Dualan dahil sa hindi o huling pagbibigay ng ayuda sa ilang residente ng Naic na mga bagong salta mula Maynila. Mga dating informal settler sila sa Maynila na na-relocate sa Naic para makatira sa mga bahay na galing sa programa ng National Housing Authority.

Sa isang ulat, sinabi ng Manila Mayor na, “Noong mga nakaraang ayuda, nagpadala ako doon. At kung may sosobra pa kami—kasi niyayakap din namin dito sa Maynila kahit hindi botante. And I hope they will do the same.”

““Alam mo style kasi ng trapong politiko ‘yan eh. ‘Yung botante, hindi botante. Tutal doon na sila nakatira, next time magma-rehistro na sila doon sa bayan na ‘yun hindi dahil para iboto ‘yung loko-loko na ‘yun,” aniya pa.

Punto naman ni Remulla, Caviteño na rin ang turing nila sa mga mga residente na galing Maynila at lumipat sa Cavite.

“Yung sinasabi ni Yorme na hindi binigyan ng SAP ang mga galing Maynila? Ito ay dahil kulang ang ibinigay ng national government ayon sa kada-pamilya na apektado,” banggit ng gobernador.

Pinunto niya na kulang ang ibinigay ng gobyerno para sa lockdown ayuda kasi hindi kabilang ang mga relocatee sa 2015 census, na siyang batayan ng mga bibigyan ng tulong-pinansyal.

Sinabi ni Remulla na huwag pag-initan ni Moreno ang mga Caviteño.

“Yorme, alam ng lahat ang ambisyon mong maging Pangulo. Wala namang isyu don. Libre mangarap ang kahit sino. Pero sana ay huwag mong tapakan ang iba para lamang umangat ka. Hindi ka pa nga Pangulo ay ang yabang mo na,” saad ng gobernador.

“Hirap na hirap na nga kami dito, kami pa ang ginawa mong rason dahil sa pagka-atat mong sumikat. Sana, pag-aralan mo muna ang suliranin bago ka magpuputak ng walang kwenta.”

“Kung pagpapasikat lang ang gusto mo? Hindi mo kailangan mang-apak ng Caviteño. Wag kaming mga Caviteño ang pag-initan mo. Hindi ka namin uurungan,” aniya pa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?