67

Oct 27, 2020 @ 10:18
By

Remulla binaklas din mga tarpaulin vs. CPP-NPA-NDF

Gaya sa Maynila, tinanggal din sa Cavite ang mga tarpaulin sa probinsya na binabatikos ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).

Inanunsiyo ito ni Cavite Governor Jonvic Remulla ngayong Martes, at sinabing hindi kailangan ng “unnecessary propaganda” sa lalawigan.

Sa Twitter, nilakip ni Remulla ang larawan ng tarpaulin sa Bacoor Command Center na may katagang “CPP-NPA-NDF, Hari ng terorismo! Dakilang manloloko!”

“FYI. Tarpaulins such as these have been taken down in Bacoor. Please continue to report,” sambit ng gobernador, Oktubre 27.

“Cavite is an insurgency-free province so no need for unnecessary propaganda. Focus should be on pandemic efforts, economic recovery, education, connectivity etc,” aniya pa kalakip ang hashtag na “No to red herring.”

Una nang sinabi ni Remulla kay AFP Southern Luzon Command chief at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) spokesperson Lt. Gen. Antonio Parlade na hindi magtatagal nang kahit isang araw ang mga anti-communist poster sa Cavite.

“Let me assure you that if you or any of your men put up similar posters or tarpaulins in the Province of Cavite, they will NOT last a day! I will personally lead the effort to tear your propaganda posters down,” aniya pa sa Facebook kahapon.

Bago ito, pinatanggal ni Manila Mayor Isko Moreno ang nagkalat na mga tarpaulin sa lungsod na nagdedeklara sa CPP-NPA-NDF na persona non grata sa National Capital Region.

Ilan sa mga tarpaulin ay may logo ng Philippine National Police (PNP) at NTF-ELCAC.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?