36
views
jeff-chan1
By

Relax lang guys, papasok din ‘yan – Chan

Sharing is caring!

Tiwala lang, pasasaan ba’t makukuha rin ni Jeff Chan ang ritmo niya sa Ginebra.

Ang shooting guard mismo, hindi nababahala na iniluluwa pa ng rim ang kanyang tira sa long range dahil alam niyang sa mga susunod ay papasok din.

Sa dalawang laro sa Gin Kings matapos mai-trade mula Phoenix, 2 for 11 lang mula sa field si Chan, 0 for 5 sa 3-point range.

Sa 105-86 win kontra Alaska noong June 24, dalawa lang sa siyam na tira ang naipasok niya. Apat na araw bago ‘yun, sa unang laro nang ilampaso ang Columbian Dyip 134-107 ay may 4 points si Chan, lahat sa free throws.

Hindi naman siya pressured, bagama’t alam na inaabangan ng tao ang pagputok niya sa opensa, lalo sa labas.

“Parang every time na hawak ko ‘yung bola, ‘yung mga tao nag-e-expect na shoot agad,” ani Chan. “Pero besides that, hindi naman ‘yun ang main focus ko.”

Kahit si coach Tim Cone, kuntento sa pagkabeteranong dala ni Chan sa team, mautak maglaro, nakakadepensa.

“He’s not hitting shots right now, but I’m tickled pink to have him,” ani Cone.

Mahalaga kay Chan ay nakadalawang panalo ang Ginebra sa dalawang laro din niya, umangat sa 5-5 para makihati sa sixth-seventh kasama ng GlobalPort.

Mapuputol ang pagkakabuhol ng Gin Kings at Batang Pier sa July 6 sa huling laro nila sa eliminations sa Cuneta Astrodome.

Dahil break ang Commissioner’s Cup, gagamitin ni Chan ang pagkakataon para lalo pang hasain ang pulso.

“I think babagsak din ‘yan,” natatawang pahayag ni Chan. “Gusto ko nga sabihin, ‘Relax lang guys, papasok din ‘yan.”

Hindi pa raw niya kabisado ang defensive adjustments at defensive plays ng Gins, tinatanong pa minsan sa mga kakampi. Pero tiwala siyang makukuha rin, dahil ang basic system ay kapado na niya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?