138

Dec 29, 2017 @ 13:05
By

Reklamong ‘junkets’ abroad sa MARINA administrator, alam na ni Duterte

Nakarating na kay Pangulong Rodrigo Duterte ang reklamo laban sa administrador ng Maritime Industry Authority (MARINA) Marcial ‘Al’ Amaro III na panay-panay ang biyahe umano sa abroad.

Sinabi kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque na alam na ng Pangulo ang reklamo at tiyak na aaksiyonan ito.

Natanong na rin mismo sa Presidente ang tungkol sa reklamo laban kay Amaro at sinabi nitong uunahin niya munang asikasuhin ang mga biktima ng bagyong Vinta at ang malagim na sunog sa isang mall sa Davao City.

Batay sa reklamo ng mga seafarers at Alliance of Marina Employees, 11 beses umanong bumiyahe sa abroad si Amaro gamit ang pondo ng gobyerno at hindi mahagilap ng mga may transaksiyon sa MARINA dahil ito ay nasa ibang bansa.

Matatandaang sinibak ni Pangulong Duterte si Atty. Terry Ridon ng Presidential Commission for the Urban Poor dahil sa pitong beses na biyahe nito sa loob lamang ng ilang buwan gamit ang pondo ng ahensiya.

Dahil dito ipinag-utos ng Presidente sa lahat ng mga nagtatrabaho sa ehekutibo na bawal na ang bumiyahe sa abroad sa susunod na taon at kailangang dumaan sa pag-apruba nito ang mga nagnanais na bumiyahe sa ibang bansa. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?