By

Reklamo laban kay David Bangayan, dedesisyunan na ng DOJ

Sharing is caring!

Tinapos na ng Department of Justice (DOJ) ang imbestigasyon sa hinihinalang big time rice smuggler na si Davidson Bangayan na sinampahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ng reklamong kriminal dahil sa hinala na sangkot siya sa monopolya ng suplay ng bigas sa bansa.

Kinumpirma ni Assistant State Prosecutor Susan Villanueva, myembro ng panel of prosecutors, na submitted for resolution na ang reklamo.

Hindi na kasi nagsumite ang NBI ng reply o tugon sa counter-affidavit na inihain ni Bangayan at ng iba pang respondent.

Si Bangayan alyas David Tan ay ipinagharap ng NBI ng reklamong monopolies and combinations in restraint of trade na paglabag sa ilalim ng Article 186 ng Revised Penal Code; bid fixing na paglabag sa ilalim ng Section 65 ng Republic Act 9184 o Government Procurement Act; at paggamit ng hindi tunay na pangalan o pagtago ng totoong pagkakakilanlan na paglabag sa ilalim ng Article 178 ng Revised Penal Code.

Sa kanyang counter affidavit, iginiit ni Bangayan na walang batayan ang paratang na nagsabwatan sila ng iba pang mga respondent para pondohan ang mga farmer cooperative noong 2012 at magsilbing dummy sa pag-aangkat ng bigas mula sa ibang bansa.

Giit ni Bangayan, ang paratang ay maituturing na “hearsay evidence” dahil wala namang naipakitang katibayan ang NBI na siya ay financier ng mga kooperatiba.

Itinanggi rin ni Bangayan na siya si David Tan bagamat siya ay naghain ng libel complaint laban sa anim na tao noong 2005 bilang si David Tan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?