31

Dec 18, 2017 @ 15:28
By

Reinsurance contracts ng GSIS, sisilipin ng Kamara

Pinaiimbestigahan ni House Speaker Pantaleon Alvarez kung may katotohanan ang impormasyon na nagbibigay ng ‘reinsurance contracts’ ang Government Service Insurance System (GSIS) sa mga hindi kuwalipikadong kumpanya.

Inihain ni Alvarez ang House Resolution No. 1502 na nag-aatas sa committee on government enterprises and privatization na magsagawa ng komprehensibong pagsisiyasat ‘in aid of legislation’.

Sa ilalim ng batas, pinapayagan ang GSIS na mag-reinsure ng mga interes nito sa anumang lokal o dayuhang kumpanya.

Ito’y para matiyak na magagampanan ang mandato nito na magbigay ng retirement scheme sa mga empleyado ng gobyerno at pribadong sektor, at maprotektahan ang mga ari-arian ng gobyerno.

Ang reinsurance ay pagpapakalat ng bahagi ng insurance portfolio sa third parties para matiyak ang security at stability.

Pero nangangamba si Alvarez kung merong sapat na kapital at financial reserves ang mga domestic reinsurer para makatugon sa kanilang reinsurance obligations sa GSIS.

Katuwiran nito, meron namang ibang insurance providers na mas may kakayahan pagdating sa kapital at karanasan para hawakan ang GSIS reinsurance.

“The GSIS may be awarding reinsurance contracts to unqualified companies which may put the government at a more serious financial difficulty in case the reinsurance claims are not awarded,” saad sa resolusyon. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?