146

Oct 16, 2017 @ 14:14

Rehabilitasyon sa Marawi, umpisahan na!

Pinasisimulan na nina Senate Majority Leader Vicente “Tito” Sotto III at Senador Antonio Trillanes IV ang rehabilitasyon at reconstruction sa Marawi City.

Ito ay makaraang mapatay sa military operations ang mga lider ng Maute Group na sina Omar Maute at Isnilon Hapilon.

Ayon kay Sotto, sa lalong madaling panahon ay dapat nang umpisahan ang pagbangon sa lungsod na mahigit limang buwan nang nababalot ng tensyon.

Sinabi naman ni Trillanes na umaasa siyang simula na ito ng pagtatapos ng major hostilities sa lungsod.

“Let us now go all out in the rebuilding of Marawi City to start the healing process for all those affected by this unfortunate war,” saad ni Trillanes.

Ipinaalala naman ni Senador Gregorio Honasan na hindi natatapos sa pagpatay kina Hapilon at Maute ang ang tunay na problema sa lungsod.

“The battle for the hearts and minds of our people is not won by body count,” saad ni Honasan.

Iginiit ni Honasan upang malabanan ang terorismo, kailangang maiparating sa tao ang basic services tulad ng pagkain, damit, tahanan, edukasyon at mga pangangailangan sa kalusugan.

Pinuri naman ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang tropa ng pamahalaan sa pagpatay sa dalawang lider ng mga terorista.

“Kahit paano ang naging mabigat na sakripisyo ng ating mga sundalo ay nauwi sa pagsupil at pagpatay sa mga lider ng kaaway,” saad ni Pangilinan. (Dang Samson-Garcia)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?