102

Rehab center sa Nueva Ecija, idinepensa ni Roque

Nilinaw ng Malacanang na walang nasayang na pera ng gobyerno sa Mega Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center na ipinatayo sa Nueva Ecija para sa mga drug dependent.

Tugon ito ng Palasyo sa naging pahayag ni Dangerous Drugs Board (DDB) Chairman Dionisio Santiago na malaking pagkakamali ang pagpapatayo sa rehab center dahil kakaunti lamang ang mga drug addicts na pasyente sa lugar.

Sinabi kahapon ni acting Presidential Spokesman Harry Roque, walang nasayang na pera ng taumbayan dahil ang 10,000- bed capacity na Mega Rehabilitation Center ay donasyon ng pilantropong Tsino na si Huang Rulun.

Sakaling magpatayo muli ang gobyerno ng mga bagong rehabilitation centers para sa mga lulong sa iligal na droga ay ikukunsidera ang mungkahi ni Santiago para mapakinabangan ito nang husto.

“Well, alam n’yo po, wala pong pera ng gobyerno na ginastos diyan sa mega rehab centers na itinayo ‘no. ‘Yan po ay ibinigay ng isang philanthropist na Tsino ‘no. That was a decision made by the donor and we can’t do anything about it. But we will certainly consider what the expert has said and in the future, if we are to invest public funds, we will pursue the strategy recommended by the head of the DDB,” ang paliwanag ni Roque.

Nauna rito, inihayag ni Santiago na malaking pagkakamali na naipatayo sa loob ng Fort Magsaysay sa Nueva Ecija ang malaking rehabilitation center dahil halos 300 lang ang pasyente nito bukod pa sa malayo ang lugar at hindi madaling puntahan ng mga kaanak ng mga drug dependent.

Sa halip ay iminungkahi ng DDB chairman na magtayo ng mga community-based rehabilitation centers na madaling mapuntahan sa mga komunidad. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?