26

Oct 13, 2021 @ 17:32
By

Regulasyon sa motorcycle taxi umusad na

Inaprubahan ng House Committee on Transportation ngayong Miyerkoles ang panukalang regulasyon sa operasyon ng motorcycle-for-hire.

Walang tumutol sa pagpasa ng substitute bill para sa panukalang Motorcycle-For-Hire Regulation Act na binalangkas ng technical working group (TWG) na pinamunuan ni Navotas Rep. John Reynald Tiangco.

Ayon kay Tiangco ang substitute bill ay binuo mula sa 18 panukala.

“The government acknowledges the inevitability that motorcycles for hire will become one of the regular sectors of public transportation,” sabi ni Tiangco.

Ayon kay Tiangco hindi maaaring gamitin sa motorcycles-for-hire ang regulasyon na ginagamit sa public utility jeepneys at public utility buses dahil iba ang operasyon nito.

“It is the object of this measure to bring this mode of transportation into proper regulation to ensure that regardless of its promising potential, the economic safety and other aspects of its operations are properly carried out,” sabi ni Tiangco.

Sa ilalim ng panukala, ang Department of Trade and Industry at Land Transportation Office ang magtatakda ng detalye ng motorsiklo na papayagang bumiyahe.

Ang bilis ng motorcycle taxi ay hindi maaaring lumagpas ng 60 kilometro bawat oras. Kailangan ding sundin ang itinatakdang speed limit ng mga lokal na pamahalaan at iba pang batas.

Upang mapigilan ang paglipana ng mga kolorum, gagawing mandatory ang pagkakaroon ng digital platform kung saan maaaring i-book ang mga motorcycle taxi.

Ang pasahe at iba pang singilin ay itatakda ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?