40
spy-on-the-job-rey-marfil

Regalo sa mga migranteng manggagawa

Sharing is caring!

Tuwing buwan ng Disyembre, ipinagdiriwang ang OFW Month o buwan ng mga overseas Filipino worker. Kaya maituturing na magandang regalo para sa mga migranteng manggagawa na nasa mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations ang nilagdaan nilang ASEAN Consensus on the Protection and Promotion of the Rights of Migrant Workers.

Pero hindi lang ang mga OFW natin ang makikinabang sa natu­rang kasunduan na nilagdaan ng mga lider ng 10 bansang kasapi ng ASEAN sa katatapos lang na ASEAN Summit na ginanap dito sa Maynila. Kasama rin siyempre na makikinabang ang migranteng manggagawa mula sa 10 bansang kasapi ng ASEAN na Pilipinas, Brunei, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Myanmar, Singapore, Thailand at Vietnam.

Ngunit kung titingnan naman ang listahan,­ masasabi natin na kabilang ang mga OFW natin sa mga talagang makikinabang sa kasunduan. Batay sa datos ng pamahalaan, nasa mahigit 200,000 kababayan­ natin ang nagtatrabaho­ sa siyam na bansang kasama natin sa ASEAN. Pinakamarami sa kanila ang nagtatrabaho sa Singapore at Malaysia.

Ang tanong, mula sa siyam na bansa na kasama natin sa ASEAN, ilan naman kaya sa mga kababayan nila ang nagtatrabaho dito sa ating bansa? Kaya nga maganda na rin na nagkaroon ng naturang kasunduan para kahit papaano ay magkakaroon ng dagdag na proteksyon ang ating mga kababayan na nasa nabanggit na siyam na bansa.

Iyon nga lang, nonbinding ang kasunduan. Ibig sabihin, hindi obligado ang mga bansa na sundin ang kasunduan at magiging kahiyaan na lang kung hindi sila susunod sa nilalaman ng kanilang pinirmahan.

Kabilang sa mga laman ng kasunduan ay ang pagbibigay ng karapatan sa mga kaanak ng manggagawa na mabisita ang kanilang mahal sa buhay; hindi dapat kinukumpiska ang pasaporte ng manggagawa; labanan ang mga illegal recruiter; ipagba­wal ang sobrang panini­ngil ng placement fee; sawatahin ang karahasan at pang-aabuso; nararapat na kompensasyon; at pa­yagan ang mga migranteng manggagawa na makasali sa unyon. O, hindi ba maganda?

Ang mahirap nga lang, depende rin siguro­ sa mga batas sa bawat bansang kasapi ng ASEAN kung uubra ang ilang probisyon. Gaya na lang halimbawa ng pagpayag sa mga migranteng manggagawa na makasali sa unyon ng pinapasukan niyang kompanya.

Sabi ng mga lider natin, hindi na mahalaga kung binding o nonbin­ding ang kasunduan, basta ang mahalaga ay pinir­mahan na ito ng mga li­der ng ASEAN at kahit papaano ay mayroon na rin silang moral na obligasyon na ipatupad ang mga nakasaad rito.

Hirit nga ng ating kurimaw, kumbaga raw sa regalo, maganda ang pambalot na ginamit at maganda ang laman; ang tanong na lang, gagana­ kaya? Bukod diyan mga tsong, may madalas na biro rin ang mga taong nasa pulitika na, “pina­ngakuan ka na, gusto mo pang tuparin.”

Pero sa totoo lang, sana ay magkaroon din ng mga ganitong kasunduan sa iba pang mga bansa na pinupuntahan ng mga kababayan nating nag-o-OFW gaya sa Middle East para mabigyan pa sila ng dagdag na proteksyon kahit malayo sila sa Pilipinas at mga mahal nila sa buhay. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter:@dspyrey)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?