30

May 7, 2021 @ 15:16
By

‘Red-tagging seminar’ pinalagan ng lady solon

Pinalagan ni Assistant Minority Leader at ACT Teachers Rep. France Castro ang pagsasagawa ng face-to-face ‘red-tagging seminar’ kung saan pinilit umanong dumalo ang mga guro sa pampublikong paaralan sa Butuan City noong Huwebes.

Ayon kay Castro ang “National Security Concern and Disaffiliation Activity’” sa Agusan National High School sa Butuan City ay dinaluhan ng may 350 guro.

Ginawa umano ito upang siraan ang lehitimong ACT Caraga Region Union na iniuugnay sa rebeldeng grupo.

Nagpalabas umano ng memorandum ang DepEd Caraga School Division upang padaluhin ang mga guro, maliban sa mga senior citizen sa dalawang oras na seminar na inorganisa ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA-10), Department of Education (DepEd)-Caraga, Police Regional Office (PRO)-13, at 402nd Infantry Brigade.

Nanawagan umano ang mga organizer ng suporta sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na pangunahing bumabatikos sa mga militanteng grupo.

“Reports of threats and harassments against members and leaders of the ACT Region XIII Union would be the next target of trumped up cases if they refuse to denounce their own organization,” sabi ni Castro.

Naniniwala si Castro na ang ginagawa sa mga grupo ng guro ay paglabag sa karapatan ng mga guro na mag-organisa at pinahihintulutan sa ilalim ng Magna Carta for Public School teachers (Republic Act 4670).

“Nauna pa ang pag-priority sa pagsasagawa ng mga pulis at militar ng face-to-face red-tagging at mga atake laban sa mga lider-guro at ng kanilang unyon kesa ang ligtas na balik face-to-face na eskwela. Ang klase hindi makabalik sa loob ng paaralan pero ang pananakot at red-tagging kayang ituloy sa gitna ng lumalalang sitwasyon ng pandemya,” dagdag pa ni Castro.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?