25

May 27, 2020 @ 17:32
By

Recto sa mga politiko: ‘Wag basta-basta maglabas ng polisiya

Dapat iwasan umano ng ilang opisyal ng gobyerno na gumawa ng mga policy pronouncement, tulad ng mga panuntunan sa trapiko, lalo na kung pinag-uusapan at pinaplantsa pa lamang ito.

Ayon kay Senador President Pro Tempore Ralph Recto, ito’y upang maiwasan ang pagkalito ng publiko.

At kung may bagong alituntunin man sa traffic, lalo na sa coding sa Metro Manila, sinabi nitong dapat maipahiwatig sa lengwaheng simple at madaling maintindihan ng madla.

“Maiiwasan ang pagkalito ng mga motorista kung ang isasapubliko ay ang mga aprubado, buo at pinal na mga patakaran,” sabi ni Recto.

“Kung ang mga ito ay pinapanday at pinag-uusapan pa lang, huwag na munang ilabas ng patingi-tingi para maiwasan ang kalituhan,” dagdag pa nito.

Ginawa ni Recto ang pahayag matapos mapagkasunduan ng mga alcalde na kanilang irerekomenda na ilipat na sa general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila sa Hunyo 1 mula sa kasalukuyang modified enhanced community quarantine (MECQ).

Sa ilalim ng kanilang mungkahi, ang operasyon ng mga bus at dyip ay mananatiling suspendido sa ilalim ng GCQ.

Ang mga transportation network vehicle service units, taxi, tricycle, pedicab, shuttle service, at point-to-point bus ay papayagan sa GCQ subalit may limitasyon ito.

Ang Metro Manila, kasama ang Laguna at Cebu City ay kasalukuyang nasa ilalim ng MECQ na magtatapos sa Mayo 31.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?