265

Jul 31, 2021 @ 12:23
By

Recto: ‘Pinas nasa mabuting kamay kina Lacson, Sotto, Moreno

Naniniwala si Senador Ralph Recto na nasa mabuting kamay ang Pilipinas sinuman ang manalo kina Senador Panfilo Lacson, Senate President Vicente Sotto III at Manila Mayor Isko Moreno.

Ayon kay Recto sa “Balitaan at Kumustahan” ng Politiko, kuwalipikado sa posisyon sina Lacson at Sotto, na kapwa nagpahayag na ng kanilang presidential at vice presidential bids ayon sa pagkakasunod.

Tinanong din si Recto kung humingi ng payo at pananaw sa kanya ang dalawang beteranong senador tungkol sa naging desisyon ng mga ito.

“Ilan lang naman kami sa Senado eh ‘di ba? So 24 lang kami I’m in the majority with them sa Senate, I am the pro temp so si Senate President Tito Sotto siya ang Senate President namin, siya ang boss namin ako ang deputy niya,” wika ni Recto.

Binanggit din ni Recto na mabuti para sa mga Pilipino na magkaroon ng ibang pagpipilian para sa nasabing mga posisyon.

“So mabuti rin naman na may choice ang taumbayan at sinasabi ngayon ni Senator Ping na matagal na rin sa Senado, matagal na rin ang karanasan sa gobyerno, nagsilbi sa bayan sa PNP pa lang hanggang naging senador, napakahabang panahon na rin so maraming nalalaman ‘yan,” paliwanag ni Recto.

Samantala, isinalarawan naman ni Recto si Moreno bilang “young”, “energetic” at “dynamic”.

“Mahaba na rin ang karanasan niya sa politika so puwede nating posibleng tulungan din ‘yan so pinag-aaralan pa nating mabuti. May partido tayo, pag-uusapan din namin ‘yan,” dagdag niya.

Sa kabilang banda, sinabi ni Recto, na nasa huling termino na, na target niya kundi maging gobernador o congressman sa Batangas.

Para sa senador, ang magagawa niya sa mga nag-aasam ng mga mataas na posisyon ay bigyan ang mga ito ng payo at itama kung may nagawang mali.

“May access tayo sa kanila para magbigay ng advice kung papaano natin patatakbuhin ‘yung ating ekonomiya at kung papaano natin lalong pagagandahin ‘yung buhay ng ating mga kababayan,” sabi pa niya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?
Tags: ,