911

By

Recto lipat bakod na sa Nacionalista

Sharing is caring!

Nakatakda umanong manumpa bilang nagbabalik na kasapi ng Partido Nacionalista (NP) si Senate President Pro-Tempore Ralph Recto sa Biyernes, Setyembre 21.

Ayon sa ilang mapagkakatiwalaang source ng Abante, kasado na umano ang pagbabalik loob ni Recto sa NP at inaasahan ang kanyang pormal na panunumpa bilang miyembro kay Senadora Cynthia Villar, ang tagapangulo ng partido.

Bukod kay Recto, bitbit din niya ang ilang mga opisyales mula sa kanyang lalawigan sa Batangas, na karamihan ay mga alkalde at bise-alkalde ng nasabing probinsya.

Gaganapin ang nasabing panunumpa ni Recto sa baluarte ni Villar sa Lungsod ng Las Piñas.

Maugong na umano sa kapitolyo ng Batangas ang napipintong paglipat ni Recto at ng ilang mga alkalde ng lalawigan sa NP noon pang isang linggo.

Nagsimula ang karerang politikal ni Recto bilang kasapi ng Nacionalista noong 1986 kasama ang kanyang kababayan na si dating Bise-Presidente Salvador ‘Doy’ Laurel. Bahagi noon ang NP ng kowalisyong UNIDO o United Nationalist Democratic Organization (UNIDO) na isa sa mga pangunahing pwersa na nagpabagsak sa rehimeng Marcos.

Ang lolo ni Recto na si dating Senador Claro M. Recto ay isa sa mga nagtatag ng Partido Nacionalista.

Bago ang kanyang pagbabalik loob sa NP, si Recto ay miyembro ng Partido Liberal (LP) na namayagpag nitong nakaraang administrasyon ni dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III. Naging kasapi rin si Recto ng iba pang partido, partikular na ang Lakas Christian-Muslim Democrats (Lakas-CMD) noong nagdaang Administrasyong Ramos at Arroyo.

Samantala, hindi pa malinaw kung bitbit din ni Recto sa NP ang kanyang maybahay na si Batangas Rep. Vilma Santos-Recto. Ayon hiwalay na source, wala pang kumpirmasyon kung sasanib din sa Nacionalista ang “Star for All Seasons,” subalit kalianman daw ay hindi pa naging magkaiba ng sinalihang partido ang mag-asawa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?