recto1
By

Recto kay Albayalde: Mission No. 1 ang recruitment ng 26K pulis

Sharing is caring!

Iginiit ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto kay NCRPO Director Oscar Albayalde na gawing mission number 1 ang recruitment ng mga bagong pulis kapag nanungkulan na ito bilang pinuno ng buong Philippine National Police (PNP).

Ayon kay Recto, batay sa plantilla ng PNP na inotorisa ng Kongreso sa pamamagitan ng pambansang budget, kulang ang PNP ng 25,938 (halos 26,000) pulis.

Sa ngayon, halos 170,000 ang mga pulis samantalang ang aprub nilang badyet ay para sa 194,410 na mga pulis.

Sa tantiya ni Recto, magiging mahusay na poster boy para sa recruitment ng mga bagong pulis si Albayalde.

Maaari rin aniyang makahikayat ng mga bagong pulis ang base pay ngayon ng entry-level na police officer 1 na P29,668.

Ayon kay Recto, kailangan ng mas maraming pulis para maitugon sa laki ngayon ng populasyon ng bansa.

Kada taon, nadadagdagan aniya ang populasyon ng 1.67 milyon na kailangang tapatan ng recruitment ng 3,340 na pulis kada taon para makamit ang ideal ratio na isang pulis para sa bawat 500 tao.

Biro ni Recto, sa ngayon, halos walang makitang pulis sa ilalim ng tulay, flyover o underpass dahil kulang na ang mga ito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?