73

Nov 3, 2017 @ 18:38

Recruiter ng Maute, todo tanggi sa prelim probe ng DOJ

Sumalang na sa preliminary investigation sa Department of Justice (DOJ) ang babaeng inaakusahang recruiter ng mga foreign fighter para tumulong sa grupong Maute-ISIS sa pakikipagbakbakan sa Lungsod ng Marawi.

Si Karen Aizha Hamidon ay humarap sa pagdinig na pinangunahan ni Senior Assistant State Prosecutor Peter Ong.

Nahaharap si Hamidon sa reklamong rebelyon o inciting to rebellion in relation to Section 6 ng Cybercrime Prevention Act of 2012 na inihain ng National Bureau of Investigation-Counter Terrorism Division.

Si Hamidon ay nagre-recruit diumano ng mga foreign fighter sa pamamagitan ng social media.

Itinanggi naman ni Hamidon ang paratang at iginiit na wala siyang kinalaman sa grupong Maute.

“I strongly deny all the false accusations hurled against me,” giit ni Hamidon.

Gayunman, inamin niya na siya ay asawa ng nasawing si Mohammad Jaafar Maguid alyas Tokboy at Abu Sharifa na pinuno ng Ansar Khalifa Philippines, ang grupong responsable umano sa madugong pag-atake sa isang night market sa Davao City noong September 2016.

Hindi rin niya itinanggi na siya ay dating asawa ni Muhammad Shamin Mohammed Sidek, Singaporean na inaakusahang kunektado sa ISIS.

Itinakda naman ng DOJ ang pagsusumite ni Hamidon ng kontra salaysay sa November 10. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?