58

Jan 3, 2018 @ 13:51

Recreational marijuana pinilahan na sa California

Nagsimula nang magbenta ng recreational marijuana ang California matapos itong maging legal dito.

Ayon sa The Associated Press, ang legal na pagbebenta ng produktong marijuana ay limitado lang at 90 porsiyento lang ng mga negosyo ang nakatanggap ng lisensiya pa rito kung saan nakatutok ang bentahan nito sa San Diego, Santa Cruz, San Francisco Bay Area at lugar sa Palm Springs.

Pinakamalaking estado sa US na naglegal sa recreational marijuana ang California.

Magmula nitong Enero 1, 2018, ang mga kabataang may edad 21 ay maaari nang magdala ng hanggang 28 gramo ng marijuana at puwede ring magtanim nito sa kanilang bahay ng hanggang anim na halaman.

Mariin naman ang pagtuligsa rito ng mga kritiko at sinabing ang batas ay magbibigay-daan lamang sa mas maraming insidente ng pagmamaneho habang nasa impluwensiya ng droga at maghihikayat sa mga kabataan ng paggamit nito.

Sinabi sa AP ni Matt Lucero, may-ari ng Buddy’s, isang tindahan ng medical-use marijuana sa San Jose na nakakuha ng unang lisensiya na inisyu ng California para makapagbenta ng recreational marijuana, magmula naman nang magbukas ang mga bilihan nito ay dinagsa na ito ng mga mamimili.

Sa report ng The New York Times, 80 katao rin ang dumagsa sa labas ng MedMen’s Santa Monica Boulevard nitong Martes at naghintay ng 45 minuto para makabili ng recreational marijuana.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?