12

May 11, 2021 @ 13:25
By

Record ni Westbrook ‘di sapat; Wizards taob sa Hawks

Nagmintis si Russell Westbrook ng isang game-winning three-pointer sa huling yugto ng laban at nailusot ng Atlanta Hawks ang 125-124 panalo kontra sa Washington Wizards nitong Martes (Philippine Time).

May pagkakataon na sana si Westbrook na kumpletuhin ang kanyang makasaysayang laro kung saan tuluyan na niyang nalampasan si NBA legend Oscar Robertson sa pagiging all-time career triple-double leader.

Tumapos si Westbrook ng may 28 points, 13 rebounds at 21 assists, na siyang ika-182 triple double ng kanyang karera. Ang naunang record na 181 career triple doubles ni Robertson ay nakumpleto niya noong 1974 pa kung saan walang naniwala na may makakatapat pa sa naturang record.

Gayunpaman, hindi naging sapat ang kayod ng 2017 MVP dahil nag-init din si Hawks guard Trae Young sa kanyang 36 points habang nagdagdag pa si John Collins ng 28 points.

Umangat ang kartada ng Atlanta sa 38-31, habang nasa ika-10 pwesto parin sa East ang Wizards sa kanilang 32-37 kartada.

Sa ibang mga laro, dinaig ng Indiana ang Cleveland, 111-102; nilapa ng Memphis ang New Orleans, 115-110; sinorpresa ng San Antonio ang Milwaukee, 146-125; naisahan ng Golden State ang Utah, 119-116; at tinambakan ng Portland ang Houston, 140-129.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?