13

May 9, 2021 @ 10:47
By

Record ni Robertson gigibain! Westbrook mamaw sa ika-181 triple-double

Namumuro si Russell Westbrook sa may pinakamaraming triple-double games sa kasaysayan ng NBA.

Ito’y matapos niyang mapantayan si Hall of Famer Oscar Robertson sa all-time leader ng career triple-double nang masungkit ang kanyang ika-181 sa laban ng Washington Wizards kontra Indiana Pacers.

Sa naturang laro, tumapos si Westbrook tangan ang 33 points, 19 rebounds at 15 assists, at nanguna sa 133-132 win ng Wizards.

40 taong nanatili sa tuktok si Robertson pagdating sa triple-double, at hindi inaasahan na magigiba pa ito, katulad na lang ng 100-point game ni Wilt Chamberlain.

Ngunit noong 2016-17 season ay nagsimulang maging triple-double machine si Westbrook, kasabay ng paglisan ni Kevin Durant sa Oklahoma City Thunder. kung saan nasungkit din niya ang kanyang natatanging MVP award.

Ngayong season sa kanyang unang taon sa Washington ay kumakatok na rin si ‘Brodie’ na masungkit ang kanyang ika-apat na season kung saan nag-average siya ng triple-double.

Bagama’t bumaba sa 21.8 points ang kanyang average, umakyat naman sa tig-11.4 ang averages niya sa rebounds at assists.

Sa May 11 ay posibleng tuluyan nang maungusan ni Westbrook si Robertson sa kanilang laban kontra Atlanta Hawks.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?