88

Nov 5, 2017 @ 14:02

Record high! BOC nakakolekta ng P42-B nitong Oktubre

Nakapagtala ang Bureau of Customs (BOC) ng record-high na halaga ng buwanang koleksyon nitong nagdaang Oktubre.

Ito ay makaraang umabot sa mahigit P42 billion ang revenue collection noong nakalipas na buwan.

Ayon kay BOC Commissioner Isidro Lapeña, ang kabuuang koleksyon para sa Oktubre na P42.006 billion ay katumbas ng 98% ng target na kita na P42.54 billion.

Ito na umano ang maituturing na pinakamataas na buwanang koleksyon sa kasaysayan ng BOC.

Mas mataas ang October collection, kaysa sa naitala noong Setyembre na umanot sa P40.183 billion.

Sa mga nakaraan umanong buwan, ang average na buwanang koleksyon ng BOC ay P35 billion.

Sinabi ni Lapeña na ang mas mataas na kita ay dahil sa mas mataas na halaga ng palitan ng piso at dolyar, presyo ng langis at pinahusay na sistema ng valuation at classification sa mga dumarating na kargamento.

“Although the month of October was marked with the lesser number of working days and volume of imports, growth was still achieved because of increase in the value of imports brought by the higher exchange rate, oil price, and improved valuation and classification,” paliwanag ni Lapeña.

Patunay din umano ang mataas na koleksyon nitong Oktubre na kapag nagtulungan sa ahensya ay mainam ang magiging resulta.

“Our latest revenue performance only shows that if we work together, nothing is impossible,” pagtatapos ni Lapena. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?