26

Sep 28, 2020 @ 10:11
By

Record-high! 7M pamilyang Pinoy matagal nang gutom

Batay sa isang independent survey, umabot sa 7.6 milyong pamilyang Pilipino ang nakaranas ng involuntary hunger, o gutom dahil sa walang makain, sa nakalipas na tatlong buwan.

Ayon sa Social Weather Stations (SWS) survey na nilabas kahapon, Setyembre 27, katumbas ito ng bagong record-high na 30.7 percent, nalampasan ang noo’y pinakamataas na 23.8 percent noong Marso 2012.

Tumaas umano ang hunger incidence sa lahat ng mga survey area, kaya may bagong record hunger rates din sa Metro Manila, Visayas, at Mindanao.

Ang 30.7 percent hunger rate ngayong buwan ay pinagsamang 22 percent, o 5.5 milyong pamilya na nakaranas ng katamtamang gutom at 8.7 percent, o 2.2 milyong pamilya na nakaranas naman ng matinding gutom.

Ibig sabihin ng katamtamang gutom, sabi ng SWS, ay mga nagutom nang isang beses o ilang beses sa nagdaang 3 buwan. Samantala, matinding gutom naman ang mga nagutom nang madalas o palagi sa parehong panahon.

Nalampasan ng 22 percent na katamtamang gutom ngayong Setyembre 2020 ang noo’y record na 18.9 percent noong Disyembre 2009.

Gayundin, nahigitan din ng bagong record-high na 8.7 percent ngayong buwan ang dating peak na 6 percent noong Marso 2001.

Sabi ng research firm, tuluy-tuloy na tumataas ang bilang ng mga nagugutom mula Mayo 2020.

Bago ito, patuloy umano ang pagbaba ng hunger incidence sa bansa–mula 23.8 percent noong Marso 2012 patungong 8.8 percent noong Disyembre 2019.

Ang nasabing nationwide survey ay ginawa noong Setyembre 17 hanggang 20 gamit ang mobile phone at computer-assisted telephone interviewing. Mayroon itong 1,249 adult interviewee.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?