74

Dec 20, 2017 @ 15:29
By

Recall petition vs SJ Mayor Gomez, kinatigan ng Comelec

Nakitaan ng sapat na sustansiya ng Commission on Elections (Comelec) En Banc ang petition for recall na inihain ng mga tagasuporta ni dating San Juan Vice Mayor Francis Zamora laban kay San Juan Mayor Guia Gomez.

Nabatid na naglabas na ng Notice of Sufficiency of the Petition of Recall ang Comelec En Banc.

Ito ay makaraang matanggap ng Comelec ang certification na mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) kaugnay ng kabuuang bilang ng voting age sa San Juan City.

Dahil dito, susunod nang sasailalim sa verification ang nakalap na lagda ng mga botante na sumusuporta sa hiling na recall election.

Nasa 30 libong lagda ang nakalap ng mga tagasuporta ni Zamora at tutukuyin ng Comelec kung sapat ba ang nasabing lagda at kung tunay na lagda nga ng mga botante ang nakalap.

Ginawang batayan sa recall petition ang “loss of confidence, corrupt acts, incompetence at abuse of power” laban kay Gomez.

Nabatid na una nang ibinasura ng Comelec ang recall petition, pero naghain ang mga petitioner ng motion for reconsideration. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?