361

Apr 8, 2019 @ 18:00
By

Rebulto ni St.Vincent Ferrer sa Pangasinan, pasok sa Guinness

Nasungkit ng bayan ng Bayambang, Pangasinan ang bagong Guinness Book of World bilang ‘tallest Bamboo Statue in the World’ matapos pasinayaan at buksan ang San Vicente Ferrer Prayer Park kung saan naroroon ang estatwa ni St. Vincent Ferrer na may taas na 50.23 metro o 164 na talampakan.

Kasabay ng tagumpay na ito, ipinagdiwang ng simbahan ang dalawang Jubilee celebration na 400 years anniversary ng Parokya ng San Vicente Ferrer at ang ika-600 anibersaryo ng kamatayan ng Santo noong ika-5 ng Abril.

Sa misang pinangunahan ni Diocese of Bayombong Bishop Elmer Mangalinao, hinimok nito ang mga mananampalataya na tularan ang pagiging matapat sa simbahan at sa Panginoon ni San Vicente Ferrer.

Aniya, noong panahon ni San Vicente ay nakaranas din ng pagkakahati ang simbahan dahil sa magkakaibang pananaw ng mga namumuno dito.

Gayunman, sa halip na iwanan ang simbahan at kamuhian ang mga namumuno dito, lalo niayng minahal at ipinagdasal ang mga suliraning kinakaharap ng simbahan.

Ang kapistahan ni San Vicente Ferrer ay nagpapaalala sa mga mananampalataya na maging mapagmatyag, at maging handa dahil sa bawat minuto ng ating buhay ay dumarating ang Panginoon.

Dalangin ng Obispo na ang bawat mananampalataya ay magkaroon ng bukas na puso at isipan upang maisabuhay ang pananampalatayang Kristiyano, at makapagpamalas ng mga gawaing kinalulugdan ng Diyos.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?