37

Feb 20, 2021 @ 21:07

Reavis, Abundo, Pascual pinapirma ng Magnolia

Pinanatili ng Magnolia ang tatlo nitong manlalaro sa pagpapapirma sa bagong kontrata na kinabibilangan ng beterano nitong big man na si Rafi Reavis habang nakahanda ang silya sa nagpapagaling na si Marc Pingris at mga pipiliin nitong rookies sa nalalapit na PBA Draft sa Marso 14.

Sinabi ni Magnolia coach Chito Victolero na ang 43-anyos na si Reavis ay kararating lamang sa US nakaraang linggo at sumasailalim sa quarantine protocol bago makasama ang Hotshots sa kanilang group workout.

“So halos kumpleto na kami,” sabi ng nagwagi sa 2018 Baby Dalupan Coach of the Year Award.

Magbabalik din para sa Hotshots sina big man Kyle Pascual at back-up guard Alvin Abundo.

“I don’t know yung length ng kontrata nila at yung ibang detalye. Ang sa akin lang yung recommendation para mabuo yung team,” sabi nito.

“Sa mga key players I also have my recommendation on how long (ang contract), pero yung ibang players hindi ko alam yung negotiations nila.”

Matapos na makuha si Calvin Abueva sa trade, buo na ang Hotshots sa 12-man lineup para sa nalalapit na season.

Binitiwan naman ng Hotshots sina Michael Calisaan at Jessie Saitanan habang nakareserba sa natitirang tatlong silya ang beteranong big man na si Pingris na hinihintay ang desisyon kung maglalaro o tuluyang magreretiro. (Lito Oredo)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?