23

By

Rappler, Maria Ressa haharap sa kasong tax evasion

Sharing is caring!

Pinakakasuhan na ng Department of Justice (DOJ) ng tax evasion sa korte ang Rappler Holdings Corporation (RHC), ang presidente nito na si Maria Ressa at ang kanilang independent certified public accountant na si Noel Baladiang.

Ito ay dahil sa kabiguan umano ng mga respondent na ideklara sa 2015 tax returns ng RHC ang kinita nito mula sa pag-iisyu ng Philippine Depositary Receipts (PDRs) sa NBM Rappler at sa Omidyar Network.

Ayon sa BIR, aabot sa P162.5 million ang kinita ng RHC mula sa nasabing transaksyon.

Nakitaan ng DOJ ng probable cause ang inihaing reklamo ng Bureau of Internal Revenue (BIR) laban sa RHC at kay Ressa na paglabag sa Sections 254 at 255 ng National Internal Revenue Code dahil sa kabiguan na maglahad ng tamang impormasyon sa Annual Income Tax Returm at Value Added Tax Returns ng RHC para sa taong 2015.

Sa resolusyon na isinulat ni Assistant State Prosecutor Zenamar Machacon-Caparros, iginiit nito na dapat nakaltasan ng buwis ang kinita ng RHC mula sa nasabing transaksyon.

Bilang presidente ng RHC, dapat umanong managot si Ressa alinsunod na rin sa Section 254 ng Tax Code.

Hindi binigyan ng bigat ng DOJ ang depensa ni Ressa na hindi nila sinadya o hindi nila intensyon na hindi ideklara ang kinita korporasyon mula sa pag-iisyu ng PDR.

Ayon sa DOJ, ang nasabing argumento na kawalan ng ‘criminal intent’ ay mas mainam na talakayin sa hukuman.

Ang accountant naman si Baladiang ay pinananagot dahil sa paglabag sa Section 257 ng Tax Code nang kanyang sertipikahan ang financial statements ng RHC sa kabila ng kabiguan ng korporasyon na ideklara ang kinita nito mula sa PDR.

Ibinasura naman ng DOJ ang reklamo laban sa treasurer ng RHC na si James Bitanga dahil batay sa sertipikasyon ni Ressa, hindi aktibo sa korporasyon si Bitanga at wala itong partisipasyon sa pangangasiwa at operasyon ng RHC.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?