120

Aug 12, 2019 @ 16:06
By

Rapist nang-agaw ng baril sa presinto, todas

Patay ang rape at murder suspect matapos mang-agaw ng baril ng isang policewoman sa loob ng presinto sa Parang, Maguindanao, Biyernes ng umaga.

Nabaril ng isang pulis at idineklarang dead on arrival sa pinagsugurang pagamutan ang suspek na nakilalang si Mohamad Akmad, 46, residente ng Barangay Manion ng nabatid na bayan.

Sugatan naman ang policewoman na sadyang hindi na inilabas ang pangalan, nang mabaril ito ng suspek matapos maagaw ang kanyang 9mm service firearm.

Sa ulat na ipinadala ni Police Lt. Col. Ibrahim Jambiran, hepe ng Parang Municipal Police Station, nauna nang nadakip ang suspek dahil sa panggagahasa nito sa 12-anyos na bata na kanyang ampon, Huwebes ng hapon.

Bukod sa kasong rape ay dati nang may kasong murder ang suspek at nakatakda sana itong kunan ng mug shot Biyernes (Agosto 10) ng umaga sa loob ng Parang MPS nang agawin nito ang baril ng policewoman at nagsimula itong mamaril at tamaan ang babaeng pulis.

Habang papatakas sa istasyon ng pulis ay nabaril naman ang suspek ng isang pulis sa katawan at sinubukan pang dalhin sa pinakamalapit na ospital subalit idineklara na itong dead on arrival ng sumuring doktor.

Samantala nasa ligtas nang kalagayan ang sugatang policewoman ayon pa kay Jambiran na ngayon ay nagpapagaling na sa pagamutan.

Dinala naman ng mga kaanak ang bangkay ng suspek at agad inilibing base na rin sa tradisyon ng mga Muslim.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?