127
ABANTE rapist most wanted jailed meycauayan bulacan
Jan 11, 2018 @ 9:08
By

Rapist na No. 3 sa MWP sa Meycauayan City, nadakip

Isang 30-anyos na rapist na number 3 sa most wanted person (MWP) sa Meycauayan City ang nadakip ng pinagsanib na operatiba ng Bulacan Criminal Investigation Detection Group (CIDG) at city police sa Brgy. Poblacion, Meycauayan City, Bulacan, kamakalawa ng hapon.

Ang nasakoteng suspek ay nakilalang si Felix Anthony Solomon y Silao, 30, binata ng Bantayan St., Brgy. Banga ng naturang lungsod, na number 3 MWP sa Phase 2 ng ‘Enhance Management Police Operation’ (EMPO) ng Meycauayan City police at nakadetine ngayon sa CIDG-Bulacan custodial facilities.

Bandang alas-12:30 ng hapon, nang magsagawa ang pinagsanib na operasyon ang CIDG-Bulacan at Meycauayan City Police upang arestuhin ang suspek na si Solomon sa kaniyang hide-out sa Brgy. Poblacion ng nasabing lungsod dahil sa kasong rape.

Hindi na nakapalag ang suspek matapos isilbi sa kaniya ng awtoridad ang warrant of arrest na inisyu ni Hon. Judge Flerida P. Zaballa-Banzuela ng Malolos Regional Trial Court (RTC) dahil sa kasong panggagahasa noong taong 2016 at walang inirekomendang piyansa para sa kaniyang pansamantalang kalayaan. (Jun Borlongan)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?