261
Rape-slay suspect timbog dahil sa Facebook
By

Rape-slay suspect timbog dahil sa Facebook

Naging instrumento ang social media para madakip ang suspek sa panghahalay at pagpatay sa isang Grade 12 student sa Quezon City nitong Miyerkoles.

Kinilala ang suspek na si Elimond Domingo, 25, na naninirahan sa kaparehong compound ng biktima na si Allison Dacillo, 18.

Ayon sa report, nadakip ang suspek sa inuupahang kuwarto sa Barangay Payatas B dakong alas-10:00 ng gabi noong Hunyo 10.

Nakaamoy umano ang saksi ng masangsang na nagmumula sa kuwarto ng biktima noong Hunyo kaya sinilip niya ito sa bahagyang nakabukas na pinto.

Bumungad sa saksi ang nakahandusay na biktima sa kama na walang saplot pang-ibaba.

Ini-report niya ito sa mga awtoridad kung saan nakitang nagtamo ang biktima ng iba’t ibang saksak sa leeg, kaliwang braso at kaliwang bahagi ng kaniyang katawan. Lumabas din sa awtopsiya na ginahasa ang biktima.

Naimbitahan umano ng pulisya ang mga kapitbahay ng biktima kasama ang suspek.

Sa ginawang interogasyon, kahina-hinala ang kilos ng suspek kaya dito nagtuon ng pag-iimbestiga ang pulisya.

Nang tingnan ang Facebook account ni Domingo, nakita ang isang larawan nito na may suot na kuwintas at may dog tag na kaparehong narekober ng pulisya sa crime scene.

Isa ring saksi ang nagsabing nakita nito ang suspek na lumabas sa kuwarto ni Dacillo noong araw nang matagpuan itong patay.

Kasong robbery with homicide at rape ang isasampa laban sa suspek sa Quezon City Prosecutor’s Office.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?