107

Nov 8, 2017 @ 16:00
By

Rape case vs Kenneth Dong, ibinasura ng korte

Laya na ang negosyanteng si Kenneth Dong na isa sa mga personalidad na isinasangkot sa pagkakapuslit sa bansa ng P6.4 billion shabu shipment.

Kinumpirma ng kanyang abugado na si Atty. John Ungab na ibinasura ni Paranaque City Regional Trial Court Branch 195 Judge Aida Estrella Macapagal ang kasong rape laban sa negosyante.

Ganap umanong nakalaya si Dong noong Lunes mula sa Paranaque City Jail.

Ang pagkakabasura sa kasong rape laban kay Dong ay kasunod ng inihaing affidavit of desistance ng complainant sa kaso.

Hindi naman tinukoy ni Ungab kung bakit nagpasya ang babaeng nagsulong ng reklamo laban kay Dong na iatras ang kaso.

Matatandaang inaresto si Dong ng National Bureau of Investigation (NBI) noong August 15 matapos siyang dumalo sa pagdinig ng Senado kaugnay ng shabu shipment sa bisa na rin ng arrest warrant na ipinalabas ng Paranaque RTC.

Si Dong ay dumalo sa pagdinig ng DOJ kaugnay sa shabu shipment para magsumite ng rejoinder affidavit sa reklamong inihain ng National Bureau of Investigation at ng PDEA.

Siya ang itinuturong naging middleman para kay Chen Ju Long alyas Richard Chen na nagmamay-ari ng warehouse sa Valenzuela City kung saan nasamsam ang shabu shipment noong Mayo. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?