314

Nov 29, 2017 @ 12:33
By

Rank and file employees ng gobyerno, taasan din ang sahod – solons

Humirit sina ACT Teachers Reps. Antonio Tinio at France Castro na bigyan din ng umento sa sahod ang iba pang empleyado ng gobyerno sa halip na uniformed personnel lamang.

Ito’y kasunod ng pag-apruba ng House Appropriations Committee sa House Joint Resolution No. 18 na nagtataas ng average na 58% sa suweldo ng mga sundalo, pulis at iba pang uniformed personnel.

Katuwiran ng dalawang kongresista, wala namang pinag-iba ang pangangailangan ng uniformed personnel sa ibang civilian employees ng gobyerno.

Lehitimo anila ang panawagan para sa salary hike ng mga nasa burukrasya lalo na ng mga clerk, utility workers, public school teachers, nurses, social workers at iba pang rank and file employees na mababa ang take-home pay.

Giit nina Tinio at Castro, may kaparehong karapatan ang mga ito para makapamuhay ng disente at dapat ding kilalanin ang kanilang hard work gaya ng mga sundalo at pulis.

Sentimyento ng dalawang kinatawan, napakabilis ng budget department na suportahan ang salary hike para sa mga sundalo at pulis pero pagdating sa ibang kawani ng gobyerno ay pangako lamang ang maibibigay ng ahensya para pag-aralan ito. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?