1,411
Abante-VisMin-Radar-pnp
By

Ranggo ng mga pulis na sunod sa military, aprub sa Kamara

Sharing is caring!

Lusot na sa ikatlo at pinal na pagbasa ng Kamara ang panukala para baguhin ang ranggo ng mga pulis at isunod ito sa militar.

Sa botong 166-6, inaprubahan ng mga kongresista ang House Bill 5236 ni Rep. Romeo Acop na layong tugunan ang pagkalito ng publiko sa police ranks at para linawin din ang command at responsibility sa Philippine National Police (PNP).

Naniniwala si Acop na magiging epektibo ang modified rank classification sa uniformed personnel sa pangangasiwa sa PNP.

Para maisakatuparan ito, aamyendahan ang Section 28 ng Republic Act No. 6975, o ang “Department of Interior and Local Government Act of 1990”.

Kapag naging batas, ang ranggong Director General ay magiging Police General, ang Deputy Director General ay Police Lieutenant General, magiging Police Major General ang Director, Police Brigadier General ang Chief Superintendent, Police Colonel ang Senior Superintendent, at Police Lieutenant Colonel naman ang Superintendent.

Ang mga susunod na pababang ranggo ay Police Major, Police Captain, Police Lieutenant, Police Master Sergeant, Police Technical Sergeant, Police Staff Sergeant at Police Sergeant.

Gayundin ang Police Corporal, Patrolman First Class at Patrolman.

Sinabi ni Acop na 20 taon nang ginagamit ang kasalukuyang police ranks na sinunod lamang sa Western at European jurisdictions pero hanggang ngayon ay mas sanay ang publiko sa military ranks.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?