25

Mar 2, 2018 @ 19:16
By

RandLe, Thomas umangas; Lakers pinalamig ang Heat

INUMPISAHAN ni Julius Randle, tinapos ni Isaiah Thomas ang ratsada ng Los Angeles Lakers sa Miami Huwebes ng gabi.

Umiskor si Thomas ng season-high 29, nagdagdag si Randle ng 25 at inatake ng Lakers ang depensa ng Heat para itakbo ang 131-113 panalo.

Sa first half lang ay may 21 points na si Randle nang lumayo ang Lakers, 20-7, bago sumagot ang Miami ng 17-2 run para lumamang, 24-22, at abante pa 36-33, papasok ng second.

Mula roon, dinomina na ng Lakers ang laro para paypayan ang tsansa na humabol sa playoffs.

Anim na laro pa ang Lakers sa likod ng eighth spot, pero tiwala si Thomas na walang imposible.

“We have the players in this locker room to win and the only thing we should be thinking about is trying to take that next step – and that’s going to the playoffs,” giit ni Thomas na 11-of-20 mula sa field at 6-for-11 sa 3s.

Pagkatapos ng 11-27 start ay 27-34 na ang Lakers, sa unang pagkakataon sapul noong Pebrero 10, 2008 ay nanalo rin sa Miami.

Nagsumite ng 25 points si Dwyane Wade sa Miami, umayuda ng 19 si Goran Dragic, 17 kay Justise Winslow at tig-15 sina Josh Richardson at Ben Adebayo.
Umabante ng hanggang 22 ang Lakers sa fourth, nagawang ibaba sa 13 ng Heat pero hanggang doon na lang. (Vladi Eduarte)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?