198

Nov 17, 2019 @ 20:47
By

‘Ramon’ nasa PAR pa, bagong LPA namataan

Hindi pa man nakalalabas ng Philippine Area of Responsiblity (PAR) ang Bagyong Ramon, isa na namang Low Pressure Area (LPA) ang namataan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) sa labas ng bansa.

Ang nasabing LPA ay huling namataan sa layong 2,420 kilometro sa silangang bahagi ng Visayas at posibleng pumasok ng bansa sa Martes, November 19.

Samantala, ngayong Lunes o Martes pa ng ng umaga inaasahang magla-landfall ang Bagyong Ramon sa Cagayan.

Batay sa pinakahuling ulat ni Pagasa weather forecaster Anna Clauren, dahil ito sa mabagal na paggalaw ng bagyo na huling namataan 285 km silangan hilagang silangan ng Casiguran Aurora. Taglay nito ang lakas ng hanging 65 km/hr at pagbugsong 80 km/hr.

Nakataas ang signal number 1 sa Cagayan, kasama ang Babuyan Island, Apayao, Isabela at hilagang bahagi ng Aurora, kasama ang Dilasag, Casiguran at Dinalungan.

Sa Huwebes inaasahang lalabas ng PAR ang bagyo, pero maaari umanong malusaw na ito at maging LPA habang palabas ng PAR.

Pinabulaanan naman ni Clauren ang mga social media post ukol sa isang supertyphoon na papasok umano sa bansa.

Nanawagan ang ahensya sa publiko na tanging lehitimong social media accounts lang ng Pagasa ang tangkilikin at huwag mag-share ng hindi naberipikang post.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?