95

Nov 19, 2019 @ 12:38

‘Ramon’ magla-landfall ngayong araw

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), mamayang Martes ng hapon o gabi magla-landfall ang Bagyong “Ramon” sa Babuyan Islands.

Hihina naman ito pagka-landfall dahil sa land interaction at Northeast Monsoon.

Bandang alas-siyete ng umaga, namataan si Ramon sa 110 kilometro silangan ng Bayan ng Calayan, Cagayan habang nagtataglay ng lakas ng hangin na abot sa 120 kilometers per hour (kph) at pagbugso na umaabot sa 150 kph.

Nakataas pa rin sa Tropical Cyclone Warning Signal (TCWS) No. 3 ang hilagang bahagi ng Cagayan, kabilang ang mga bayan ng Santa Praxedes, Claveria, Sanchez Mira, Pamplona, Abulug, Ballesteros, Aparri, Calayan, Camalaniugan, Buguey, Santa Teresita, Gonzaga, at Santa Ana.

TCWS No. 2 naman ayon sa Pagasa ang iba pang bahagi ng Cagayan, maging ang Batanes, Apayao, Kalinga, Abra, Ilocos Norte, at Ilocos Sur.

Nasa TCWS No. 1 naman ang hilagang bahagi ng Isabela, kabilang ang mga bayan ng Sta. Maria, San Pablo, Maconacon, Cabagan, Sto. Tomas, Quezon, Delfin Albano, Tumauini, Divilacan, Quirino, Roxas, Mallig, San Manuel, Burgos, Gamu at Ilagan City. Nakataas din sa TCWS No. 1 ang signal sa Mountain Province, Benguet, Ifugao, La Union, at Pangasinan.

Samantala, namataan din nitong alas-7:00 ng umaga ang Low Pressure Area sa 810 km silangan ng Guiuan, Eastern Samar, at inaasahang magiging tropical depression sa loob ng 24 oras.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?