18

Oct 10, 2017 @ 15:09

Ralph Trangia pwedeng maging state witness – Aguirre

Nangako kahapon si Justice Secretary Vitaliano Aguirre ll ng proteksyon kay Ralph Trangia sa kondisyong “ingunguso” niya ang mga ka-brod sa Aegis Juris Fraternity na responsable umano sa pagkamatay sa hazing ng UST law freshman na si Horatio Castillo lll.

Sakaling makapasa at makwalipika sa Witness Protection Program (WPP) ng Department of Justice (DoJ) si Trangia, sinabi ni Aguirre na ipabubura niya ang pangalan nito sa listahan ng mga akusado sa deadly hazing.

“Potential witness siya at malaki ang maitutulong sa resolusyon ng kaso kung sasabihin niya ang kanyang mga nalalaman,” ayon sa kalihim.

Naniniwala si Aguirre na susi si Trangia sa ikalulutas ng kaso dahil hindi ito aalis ng bansa upang tumakas kung inosente siya at walang nalalaman sa pagpapahirap kay Castillo na kalaunan ay nagresulta sa kamatayan nito.

Bilang magiging abogado sa hinaharap, umaasa si Aguirre na mananaig kay Trangia ang hangarin na pairalin ang hustisya sa lahat ng pagkakataon.

May mga pagkakataon aniya na dapat baliin ang pinaiiral na “code of silence” sa hanay ng mga kapatiran kung magbubunga naman ito ng mabuti tulad ng pagpapanagot at pagpaparusa sa mga responsable sa isang krimen.

Kahapon ay kasama ni Trangia ang inang si Rosemarie nang bumalik sa bansa lulan ng Eva Air flight BR 271 mula sa Taipei bandang alas 11:41 ng umaga.

Nakaalis sa bansa si Trangia, kasama ang inang si Rosemarie patungo sa Chicago, USA noong Setyembre 19, isang araw bago maipalabas ng Department of Justice (DoJ) ang immigration lookout bulletin order (ILBO) laban sa kanya at  iba pang kasamang miyembro ng Aegis Juris fraternity  na responsable umano sa krimen

Nilinaw din ni Aguirre na boluntaryo ang pag-uwi ni Trangia sa Pilipinas dahil posibleng umiwas itong maipa-deport ng Amerika.

Hindi nakausap ng mga awtoridad ang mag-ina dahil diretso silang umuwi sa bahay mula sa airport. (Ma. Isabel Billiones)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?