98

Nov 9, 2017 @ 17:23
By

Rally malapit sa ASEAN Summit, ipagbabawal

Hindi papayagan sa Lungsod ng Maynila ang mga kilos protesta sa mga lugar na pagdarausan ng ASEAN Summit at sa mga lugar kung saan nananatili ang mga delegado.

Ito ang tinukoy ni Manila Police District Director, Chief Supt. Joel Coronel, ilang araw bago ang pagdaraos ng international conference sa bansa.

Ayon kay Coronel, hindi rin nila papayagan na makalapit ang mga demonstrador sa US Embassy at sa mga hotel sa Roxas Blvd at kalapit na mga lugar kung saan tutuloy ang mga delegado.

Papayagan lamang umano ang kilos protesta sa Plaza Miranda sa Quiapo at sa Liwasang Bonifacio.

Magkakaroon din ng lockdown sa paligid ng mga lugar na pagdadausan ng summit, kabilang na ang Cultural Center of the Philippines (CCP) Complex, SM MOA Arena at sa Maynila, sa mga hotel tulad ng Manila Hotel, Manila Diamond Hotel, New World Manila Bay, Pan Pacific, at Century Park Sheraton.

Ang MPD ay nagdeploy ng 2,800 pulis bilang myembro ng ASEAN Security Task Force. (Ricklove Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?