115

Jan 1, 2018 @ 10:37
By

Railway Institute itatayo para sa MRT operation, subway – Palasyo

Magtatayo ang pamahalaan ng isang railway institute kung saan pag-aaralin ang mga magtatayo at titiyak ng maayos na operasyon ng railway system gaya ng MRT at LRT at ng itatayong subway system sa Metro Manila.

Inihayag ito ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar sa panayam sa radyo.

Isa umano ito sa mga kundisyon ng Japan bago ibuhos ang suporta sa infrastructure projects ng Duterte administration kung saan isa sa mga pangunahing proyekto ang pagtatayo ng subway.

Inayunan ito ng pamahalaan dahil kahit saang bansa ay mayroong sentro ng pagsasanay para sa mga constructuion workers at maintenance personnel ng railway system.

“Kailangan meron kang training institute para sa mga gagawa, magku-construct or magme-maintain ng ating mga railway. It’s a must to have a railway institute. Kasama iyan sa mga kasunduan ng Pilipinas at Japan para mai-maintain nang maayos,” pahayag ni Andanar.

Kung sakali, pangangasiwaan ang railway institute ng Department of Transportation (DOTr) sa tulong ng pamahalaan ng Japan.

Nagsasagawa na ngayon ng pag-aaral para sa itatayong subway bagaman naipangako na ng Malakanyang na aarangkada na ang konstruksyon nito sa ikatlong quarter ng taong 2018. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?