144

Nov 7, 2019 @ 16:09
By

Radio broadcaster in-ambus sa Dumaguete

Patay ang isang broadcaster makaraang pagbabarilin ng hindi pa kilalang nag-iisang salarin na lulan ng motorsiklo kaninang umaga sa Dumaguete City, Negros Oriental.

Kinilala ang biktimang si Dindo Generoso, blocktimer broadcaster ng DYEM 96.7 BI Radio. Ito ay nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa ulat na pinadala ni Police Regional Office (PRO) 7 Director Police Brig. Gen. Valeriano de Leon, naganap ang pananambang sa biktima sa kahabaan ng Hibbard Avenue, Brgy. Piapi ng lungsod na ito dakong alas-7:30 ng umaga, Nobyembre 7, 2019.

Ayon sa mga testigo, kasalukuyang minamaneho ni Generoso ang kanyang kotse Hyundai Elantra nang biglang sumulpot ang gunman at pinagbabaril siya.

Nabatid na patungo sana ang biktima sa kanilang himpilan para sa kanyang pang-umagang programa sa radio station DyEM 96.7 Bai Radio nang mangyari ang krimen.

Samantala, kinondena naman ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang insidente at nanawagan rin ng hustisya para sa biktima.

“The identity of Generoso’s killer and the motive for his murder was not yet clear,” ayon sa NUJP.

Sa tala ng NUJP, si Generoso ang ikalawang mamamahayag na pinaslang matapos itumba at pagbabarilin din ng mga armadong salarin ang radio broadcaster na si Edmund Sestoso noong Abril 30, 2018 sa Dumaguete City.

Patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya para sa motibo ng krimen at sa posibleng pagkakadakip ng gunman.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?