85

Aug 18, 2018 @ 18:03
By

Racela pipigain pa si Glover

Nakulangan si TNT KaTropa coach Nash Racela sa pinakitang angas ng kanyang import na si Mike Glover na nadomina ng counterpart sa NLEX na si Olu Ashaolu.

Sadsad ang KaTropa sa Road Warriors 103-90 sa opening night ng PBA Governors Cup sa Ynares Center Biyernes ng gabi.

Nagkasya lang sa 11 points at 15 rebounds si returning import Glover, sapaw sa 33 at 23 ni Ashaolu na may injury pa sa tuhod.

“Siyempre you expect more,” ani Racela hinggil sa kanyang reinforcement na dating naglaro sa GlobalPort noong 2016.

Namuno ang 27 points ni Terrence Romeo sa talong ‘yun ng TNT, may 15 si Jayson Castro.

Mula umpisa ay hindi nakaporma ang Texters sa Road Warriors.

“The opposing import overpowered everyone and I heard he’s even injured, so grabe. Grabe ‘yung character ng import,” pahayag ni Racela hinggil naman kay Ashaolu.

Balik ng parehong venue sa Antipolo ang TNT para subukang bumawi, pero katapat naman nila sa main game sa Agosto 19 si Allen Durham at ang Meralco.

Naligtasan ng Bolts ang malamyang umpisa para ipagpag ang makulit na Columbian Dyip sa bisa ng manipis na 109-106 panalo noong Biyernes din.

Nagsabwatan sina Durham at Baser Amer para ibalik sa second half ang Meralco. Binasag ng driving layup ni Amer ang huling deadlock sa 106, bago ibinaon ni Durham ang isa sa kanyang dalawang free throws 1.4 seconds na lang na nagselyo sa panalo.

Tumapos si Durham ng 26 points, 20 rebounds at nine assists, may 23 points si Amer. ()

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?