20

May 5, 2021 @ 16:39
By

Quimbo: Para bumaba inflation, magbenta ng murang baboy

Iminungkahi ni House Deputy Minority Leader at Marikina Rep. Stella Luz Quimbo ang pagbili ng gobyerno ng baboy sa makatuwirang presyo at pagbebenta nito nang mura sa publiko.

Sa ganitong paraan ay bababa umano ang inflation rate o ang bilis ng pagmahal ng mga bilihin na pumalo sa 4.5% noong Abril, batay sa datos ng Philippine Statistics Authority.

Nananatiling mataas ang presyo ng baboy dahil sa kakulangan ng suplay dulot ng African Swine Fever (ASF).

Kailangan umanong mabawi ng mga nag-aalaga ng baboy ang kanilang gastos upang hindi sila malugi pero dapat umanong bumaba ang presyo para mabili ito ng mas nakararami.

“Government can provide temporary support and ‘buy high’ from producers and ‘sell low’ to consumers. It can ensure that prices are fair and competitive by temporarily bringing supply directly to the market. Naisalba ang local industry, napamura pa ang presyo ng baboy,” paliwanag ni Quimbo.

Ang ganitong hakbang ay maaari umanong gawin ng pansamantala habang gumagawa ng mga hakbang upang muling maparami ang populasyon ng mga baboy sa bansa.

Inihain ni Quimbo ang panukalang Affordable Pork Act of 2021 (House Bill 9256) kamakailan upang bigyan ng kapangyarihan ang gobyerno na bumili ng karne ng baboy na ibebenta ng mura sa panahon ng emergency.

Nakasaad din sa panukala ang paglalaan ng pondo upang matulungan ang mga lokal na nag-aalaga ng baboy na maparami ang kanilang alaga at mapalakas ang kakayanin ng mga ito na makipagkompetensya sa presyo ng imported na karne.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?