365

Mar 19, 2019 @ 15:59
By

Quezon police chief, sinibak kaugnay sa pagkakapatay sa anak ng alkalde sa shootout

Tinanggal sa puwesto si Quezon Provincial Office Director Senior Supt. Osmundo de Guzman kasunod ng pagpaslang ng mga elemento ng Tayabas City Police sa anak ng alkalde ng Sariaya.

Ipinag-utos umano ni Calabarzon Director, Chief Supt. Edward Carranza ang pag-alis kay De Guzman dahil sa kabiguan nitong pamahalaan ang kanyang mga tauhan kabilang na ang Tayabas City Police.

Itinalaga naman bilang officer-in-charge si Senior Supt. Joseph Arguelles ng Regional Investigation and Detective Management Division-Calabarzon.

Nag-ugat ang pagsibak sa opisyal sa nangyaring shootout noong Marso 14.

Isang tauhan ng gasoline station sa Tayabas City ang nag-report hinggil sa dalawang sakay ng motorsiklo na namaril sa kanya pero nagmintis.

Rumesponde ang mga operatiba ng Tayabas City Police Station sa insidente at nakipagpalitan ng putok sa dalawang suspek sa umano’y shootout.

Namatay on the spot ang mga suspek.

Pero nakilala ang isa sa napatay na suspek na si Christian Gayeta, 21, na anak ni Sariaya town Mayor Marcelo Gayeta.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?