16

Sep 3, 2020 @ 22:51
By

QR code ikakalat sa mga mall, bangko, resto

Para mapalakas ang contact tracing sa mga taong posibleng na-expose sa coronavirus disease, gagawing available ang quick response (QR) code sa mga mall, bangko, restaurant pati na sa mga public bus.

Saad ni testing czar Vince Dizon, sa pamamagitan ng QR code, maiiwasan ang manual recording ng impormasyon ng mga tao na maaari pang maging dahilan ng posibleng paghawa ng virus.

“Pagkapasok mo sa isang mall, kailangan mo lang gamitin ang iyong camera sa iyong cellphone, kunan ng QR code and then idi-direct ka na niya sa StaySafe,” paliwanag ni Dizon sa panayam sa ANC.

“Magagawa mo na mag-register at ibigay ang iyong detalye para ma-contact trace ng mga establishments at ng integrated system,” dagdag pa niya.

Magkakaroon din aniya ng QR code sa LRT para makontak ang mga pasahero nito kung sakali.

Samantala, pinag-uusapan pa ng Department of Transportation ang implementasyon nito sa mga jeepney at tricycle dahil dapat aniya lahat ng pampublikong sasakyan ay magkaroon ng QR code.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?