149

Nov 2, 2017 @ 12:05

QC traffic police arestado dahil sa extortion

Inaresto ang isang traffic police investigator ng kanyang mga kasamahan sa isang entrapment operation na isinagawa sa loob mismo ng Quezon City District Traffic Enforcement Unit (QC-DTEU) Traffic Sector 3 sa Camp Karingal.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, Police Chief Superintendent Guillermo Lorenzo T. Eleazar ang naarestong si SPO3 Achilles Magat, 43-anyos, ng Cana St., Brgy. Lagro, Quezon City, at nakatalaga sa QC-DTEU Traffic Sector 3.

Inaresto si Magat bandang alas-9:00 ng gabi, Oktubre 31, 2017, sa loob ng Traffic Sector 3 office sa Camp Karingal matapos tumanggap ng entrapment money na nagkakahalaga ng P10,000, kabilang ang apat na P500.00 marked money.

Ang operasyon ay parte ng pinahigpit na internal cleansing strategy ng QCPD upang maalis ang mga police misfits at scalawags.

Ang entrapment operation ay isinagawa ng pinagsanib na pwersa ng mga tauhan ng District Special Operations Unit (DSOU) sa pamumuno ni P/Supt Rogarth Campo; DTEU chief, Police Superintendent Cipriano Galanida at Traffic Sector 3 Commander, Police Chief Inspector Aldrin Enrico, matapos na ireklamo ng HW Worthy Transport Inc., sa pangunguna ni Samsom Gararitano, Vice President for Operations.

Ayon kay Gararitano, ang isa sa mga bus nila na minamaheno ni Waren Suaverdez Tena ay nasangkot sa isang traffic accident sa Quezon City Elliptical Road nitong Oktubre 23, 2017. Ang bus at ang driver nito ay dinala sa Camp Karingal kung saan nakatalaga si Magat bilang inspector.

Nang sumunod na araw ay nakipagkita si Gararitano kay Magat kung saan sinabi ng huli na gagastos sila ng aabot sa P30,000.00 kung sakaling magsampa ng kaso ang mga biktima ng aksidente. Dinagdag ni Magat na magagawaan niya ng paraan upang mabilis na mapalaya ang bus driver kung magbibigay si Gararitano ng P15,000.00.

Sumailalim ang driver sa inquest at kinalaunan ay pinalaya ni Assistant City Prosecutor Eugene Kho habang ang kaso ay iniimbestigahan, subalit hindi binigay ni Magat ang lisensya nito.

Noong Oktubre 26, 2017, nanghingi si Magat ng P12,500.00 Gararitano para sa kanilang gruoo, at ang halagang P6,000.00 ay diumano’y para sa prosecutor pero tumanggi si Gararitano.

Muling nagpaalala si Magat ukol sa kanyang hinihingi noong Oktubre 28, 2017 subalit tumawad si Gararitano hanggang babaan niya ito sa halagang P10,000.00 hanggang sa magkasundo ang magkabilang panig..

Lingid sa kaalaman ng traffic enforcer na naklipag-ugnayan si Gararitano sa mga awtoridad, at agad na nagkasa ng entrapment ang mga operatiba ng DSOU at DTEU at naaresto si Magat na noong una’y nanlalaban pa ngunit nakontrol din ito sa loob ng Traffic Sector 3 Office.

Narekober mula sa suspek ang entrapment money. Kasong robbery-extortiom at grave coercion ang isasampa laban sa nasabing traffic enforcer.

Nabatid na si Magat ay pumasok sa serbisyo noong December 15, 1999. Naitalaga siya sa Northern Police District (NPD) noong 2001 hanggang 2002 bago siya nalipat sa Manila Police District (MPD) mula 2003 hanggang 2010. Noong March 2011, nalipat siya sa QCPD kung saan nalagay siya sa DTEU bilang traffic investigator.

Kabilang siya sa pinakabagong batch na na-promote sa NCRPO regular promotion noong July 2017 sa ranggong Senior Police Officer 3 (SPO3). (Dolly B. Cabreza/ with trainee-Bridgette Caminoc)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?