45

Nov 19, 2021 @ 19:07
By

QC resident kay Belmonte: Libreng pailaw, hindi totoo!

Ilang netizen ang nagpahayag ng kanilang pagkadismaya laban sa ilang opisyal ng Quezon City government dahil sa umano’y pagpapalabas na libre ang electrification project sa Barangay Pansol.

Sa Facebook post, sinabi ng QC government na dumalo si Mayor Joy Belmonte sa inagurasyon ng Pailaw project sa Kaingin II kasama ang iba pang opisyal.

“Aabot sa 600 pamilya sa Barangay Pansol ang nabigyan na ng permanente at pangmatagalang access ng kuryente, sa pamamagitan ng Pailaw Project ni QC Council Majority Floor Leader Konsehal Franz Pumaren,” caption nito sa larawan sa nasabing post.

Dagdag pa dito, sinabi ng pamahalaan na sa tulong ng Barangay Pansol sa pamumuno ni Kap. Jojo, nagkapagbigay ng mga circuit breaker sa mga benepisyaryo.

Ngunit ilang residente ang umalma at sinabing wala namang ginastos ang pamahalaang QC sa proyekto.

Sa comment ni Jesus Rosales, sinabi nito na halos P18,000 ang ginastos niya para sa proyekto.

“PAILAW PROJECT? Dati na kaming may ilaw, dahil sa project na ito nagastusan kami ng mababa sa 18k bawat isang kuntador. Mga EPAL kayong pulitiko, kung makaposing kayo para sa photo-ops nyo WAGAS! Hindi po nakagaan sa aming dati ng may kuntador ang project nyo, NAGKAGASTOS LANG KAMI! HINDI PO LIBRE ANG APLIKASYON NAMIN sa MERALCO pati paglalakad ng mga papeles lahat may BAYAD!” ani Rosales.

Sinagot naman ito ng QC ngunit hindi direktang nilinaw ang mga paratang.

Sinabi nito na nagsimula ang proyekto noong 2015, humihingi ang Meralco ng P32 milyon na bayad na sasagutin ng mga residente, ngunit si Konsehal Pumaren ang nakipag-usap sa Meralco para ibaba ang gastos sa P3.1 milyon. Si Pumaren din daw ang umako sa H Frame para sa Kaingin 1 at 2 habang ang lokal na pamahalaan ang nagbigay ng panel board-circuit breaker box.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?