galil
By

QC police dinagdagan ng 100 armas, patrol cars vs criminals

Sharing is caring!

Pinagkalooban ng Quezon City government ang Quezon City Police District (QCPD) ng 25 brand new na Toyota Vios na patrol cars at 100 Galil assault rifles, upang magamit nila sa pagsugpo ng kriminalidad at pagmamantine ng peace and order sa lungsod.

Mismong sina Mayor Herbert Bautista, Philippine National Police (PNP) Chief, P/Director General Oscar D Albayalde at National Capital Regional Police Office (NCRPO) Director P/Chief Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar, QCPD Director P/Chief Supt. Joselito Esquivel Jr., at iba pang matataas na opisyal ng PNP, ang nanguna sa turnover ceremony na ginanap sa QCPD Headquarters sa Camp Tomas Karingal, Sikatuna Village, Quezon City kahapon ng umaga.

Ayon kay Albayalde, na siyang keynote speaker sa simpleng seremonya, labis nilang ipinagpapasalamat ang patuloy na pagtulong at suporta ng alkalde at ng local government sa QCPD at maging sa PNP, sa kabuuan.

“These additional law enforcement resources will further improve the logistical capabilities of the local police force in patrolling the communities and ensuring that the peace and order are maintained in their respective area of responsibility. These will further boost the shoot and move capabilities of police units to respond quickly to calls for law enforcement and police service,” aniya pa.

Umapela rin naman si Albayalde sa mga tauhan ng QCPD na ang naturang okasyon ay dapat na magsilbing paalala sa kanila na gampanan pa ng mas mabuti ang kanilang tungkulin nang may integridad at respeto.

“I expect all of you to further intensify your anti-crime strategies. We will not stop until our fellow countrymen feel safe and secured in roaming the streets of the Metro. Thus, I urged you to give your best shots in performing our sworn mandate,” pagtiyak pa ng PNP chief.

Sa kanyang panig, nagpasalamat naman si Bautista sa mga pulis sa ginagawa nilang pagmamantine ng kapayapaan at kaayusan sa lungsod sa lahat ng pagkakataon.

Hiniling rin niya kay Albayalde, na kilala sa pagiging disciplinarian, na ipagpatuloy ang pagdidisiplina sa mga pulis, na sumusuway at lumalabag sa mga polisiya ng organisasyon.

Samantala, nagpasalamat rin naman si Eleazar, na dating naging director ng QCPD, sa tulong ng city government sa kanila.

Ayon naman kay Esquivel, natutuwa silang kahit kabibigay lamang ng city government sa kanila noong nakaraang buwan ng 1,250 na Taurus Cal. 40 Model PT840 semi-automatic pistols at tatlong Montero SUVs para magamit ng Office of the PNP Chief, NCRPO Director at ng QCPD Director, ay muli na naman itong nagkaloob ng panibagong tulong sa kanila.

Tiniyak ni Esquivel na ang gagamitin nila sa pagpapahusay ng serbisyo sa mga residente ang mga naturang kagamitang donasyon ng city government.

Ipapamahagi aniya nila ang 25 bagong mobile patrol vehicles sa iba’t ibang tanggapan at unit ng QCPD headquarters, PS-1 La Loma, PS-4 Novaliches, PS-5 Fairview at PS-6 Batasan.

Lahat rin aniya ng 12 police stations ay makakakuha ng tig-tatlong assault rifles at ang iba pang matitira ay ipapamahagi naman sa iba pang units at tanggapan ng QCPD.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?