40

Oct 30, 2020 @ 10:01

QC Mayor nagbabala vs pekeng Facebook account

Binalaan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang publiko laban sa ilang indibidwal na gumagamit ng pekeng social media accounts para lituhin ang publiko ngayong panahon ng pandemya.

Ito ay kasunod ng pagkakatuklas sa ilang nilikhang account na kasabay na ginawa nang manungkulan ito bilang Mayor ng Quezon City.

Matatandaang nakaraang Abril ay nasa 130 pekeng accounts na nagpapakalat ng fake news tungkol sa CoVid19 ang na-deactivate ng Facebook na karamihan ay ginawa sa magkakaparehong araw.

“Si Mayor Joy po ay patuloy na walang-pagod na nagtratrabaho upang mapababa at tuluyang masugpo ang mga kaso ng Covid19 sa ating lunsod. Hindi na nya alintana ang mga walang basehang paninira ng mga taong gumagawa ng ganito na pawang pulitika lamang ang motibo, subalit kung ang mga walang-pusong tao na ito ay sinasadyang manlinlang ng mga mahal nating QCitizens sa pamamagitan ng paggawa ng fake accounts at pagkalat ng maling impormasyon ay kikilos ang ating mahal na Mayor upang ang mga ito ay panagutin sa batas,” apela ni Quezon City Attorney Niño Casimiro.

Kasabay nito ay nanawagan si Casimiro sa Anti-Cybercrime Team ng QCPD na aksyunan ang pagkalat ng pekeng account ni Mayor Joy.

“Nakiusap na po ang aming tanggapan sa Anti-Cybercrime Team ng QCPD upang ma-deactivate na ang mga pekeng social media accounts na ito,” dagdag ni Attorney Casimiro.

Nauna nang nagbabala ang Quezon Police District sa publiko sa pamamagitan ng kanilang official Facebook page laban sa nasabing mga pekeng social media accounts at makikita ang apela sa

https://www.facebook.com/QuezonCityPoliceDistrict/posts/3490384417854248?_rdc=1&_rdr

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?